MGA DI PAGKAKASUNDO
SA LARAWAN NG BIRHENG NAGPAPASUSO
SA LARAWAN NG BIRHENG NAGPAPASUSO
Maraming pagsasalarawan sa Birheng nagpapasuso ang lumabas lalo’t higit noong ika-16 at 17 siglo ngunit ang iba sa mga ito ay di sinang-ayunan ng mga malisyosong kritiko na kinabibilangan ng mga protestanteng nagnanais ng mga pagbabago at nagtuon sa labis na paguukol ng kalayawan sa mga sagradong imahen. Ngunit hindi ito binigyang pansin ng Simbahan dahil mas binibigyan ng mga ito ang halaga ng pagiging tao ni Maria at hindi ang banal na hiwaga ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Bilang pagtatanggol sa katayuan ng Simbahan sa nasabing usapin, sinabi ng manunulat na si Lucetta Scaraffia sa pahayagan ng Vatikano na L’Osservatore Romano na ang pagdadamit sa nagpapasusong Birhen ay nagbabawas sa aspeto ng pagiging tao ni Maria, na siyang pumupukaw sa puso at pananampalataya ng mga mananampalataya. Ito ay sinang-ayunan din ni Padre Enrico dal Covolo, isang guro ng Panitikang Kristiyano at sinabing, “Ang Birhen na nagpapasuso sa Kanyang Anak na si Hesus, ay isa sa mga pinaka mainam na nagpapahayag na ang Salita ng Diyos ay tunay ngang nagkatawang-tao”. Higit dito, ang pagsasalarawan sa nagpapasusong Birheng Maria, ay tumutulong sa pagbubulay-bulay natin sa ganda at karangalan ng pagiging babae at ina ni Maria na siyang pinagin-dapat na pakabanalin ng Diyos. Ang banal na larawan ni Maria na nagpapasuso sa Kanyang Anak ay isang matibay na larawan ng pagmamahal na nagpapakita ng pag-aalay ng Kanyang katawan bilang pagkandili at ganap na pagbabahagi ng Kanyang sarili sa Kanyang Anak, na siya ring, nag-aalay ng Kanyang sariling Katawan at Dugo sa Banal na Eucharistia.
Ayon din kay Dr. Golda Balass, tagapagturo sa Kagawaran ng Sining ng Kasaysayan sa Pamantasan ng Tel Aviv, ang mga larawan ng “Virgo Lactans” o ang Birheng Nagpapasuso, ay nagtatangi sa pagganap ng Birhen bilang Ina ng Tagapagligtas, at sa mas malawak na kamalayan, bilang tagapamagitan ng sangkatauhan (MEDIATRIX). Sa pananampalatayang Romano Katoliko, kinikilala si Maria bilang pangunahing tagapamagitan kay Kristo, tanggulan ng mga Kaluluwang Kristiyano, at coredemptrix o katulong at kaagapay sa pagliligtas, lalo’t higit dahil sa Kanyang pagiging Ina ng Mananakop. Upang mapagtibay ang kanyang karapat-dapat at natatanging pitak bilang tanggulan at tagapamagitan, Siya ay inilalarawan ng sining na nakalabas ang suso at nakaturo dito, na para bang sinasabing: “Sa Akin sumuso ang Anak ng Diyos.” Ang Mahal na Birhen ay ang Inang hindi lamang nagpasuso sa Kanyang Anak, kundi rin, sa pamamagitan ni Kristo, sa sangkatauhan (MATER OMNIUM, NUTRIX OMNIUM). Sa gayon, ang suso at ang pagpapasuso ay nagtatamo ng kaugaliang wagas at mga banal na aral, na siyang nagiging natatanging pagpapahayag ng pagkakawang-gawa o pagmamahal.