Kasaysayan ng Pagdedebosyon sa Birhen ng Gatas
Ang larawan ng Mahal na Birhen na pinapasuso ang batang Hesus ay matatandaang nagsimula noong ika-16 na siglo sa Lungsod ng Madrid sa España, kung saan siya ay tinatawag bilang NUESTRA SEÑORA DE LA LECHE Y BUEN PARTO (Mahal na Birhen ng Gatas at ng Matiwasay/ Matagumpay na Panganganak). Noong 1598, nasagip mula sa kamay ng mga ganid at walang-galang na tao at iniluklok sa tahanan ng isang mag-asawa kung saan ang babae at ang batang nasa sinapupunan nito ay nanganganib na mamatay dahil sa hindi magandang kundisyon nito sa pagbubuntis. Ang asawang lalake ay taimtim na nanalangin sa Birhen ng Gatas na idulot ang isang matiwasay na panganganak sa kanyang asawa. Ito ay dininig ng Mahal na Ina kung saan ang babae at ang bata sa sinapupunan nito ay nailigtas mula sa tiyak na kamatayan. Matapos nito, ikinalat ng mag-asawa ang pagdedebosyon sa Virgen de la Leche na siyang naging simula ng pagiging tanyag nito sa buong España na siyang sinuportahan naman ni Haring Felipe III sa pamamagitan ng pagtayo ng isang Dambana para sa Mahal na Ina sa katawagang ito.
Matapos ang mahigit dalawampung taon, ang mga mananakop na kastila ay nagdala ng Replica ng Virgen de la Leche sa Amerika at iniluklok ito sa sentro ng kanilang misyon ng Nombre de Dios sa San Agustin, Florida. Ito ang kauna-unahang dambana na itinalaga sa Mahal na Birhen sa buong Amerika na siyang itinayo sa mismong lugar kung saan unang idinaos ang Misang pamparokya 55 taong nakararaan. Ang orihinal na kapilya na itinayo noong 1615 ay natupok ng apoy at delubyo noong panahon ng kolonyalismo. Ang kasalukuyang kapilya naman ay pinamamahayan ng replica ng orihinal na imahen na natupok ng digmaan ng mga kastila at Amerikano noong Marso 13, 1936.